Ate Gay, buhay pa at patuloy na lumalaban, paglilinaw ng pamilya sa death hoax

Gil Aducal Morales
Mariing pinabulaanan ng pamilya ni Ate Gay ang kumakalat na maling balita na pumanaw na ang komedyante. Sa pahayag na inilabas noong Sabado, Oktubre 31, sa Facebook page niya, sinabi nilang buhay pa siya at patuloy na lumalaban sa kabila ng kritikal na kalagayan. Ayon sa pamilya, nakatanggap sila ng mga mensaheng nakikiramay at bumabati ng “Rest in Peace” para sa kanilang mahal sa buhay. Hiniling nila sa publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon o maglabas ng maagang pahayag tungkol sa kondisyon ni Ate Gay. Binigyang-diin din ng mga kaanak na ang pamilya lamang ang dapat magsalita tungkol sa kalagayan niya. Anila, nagdudulot ng matinding lungkot at dagdag na paghihirap ang mga maling pahayag, lalo na habang umaasa pa silang makakabuti ang kalagayan ng komedyante. Sinabi nilang maaari silang gumawa ng nararapat na hakbang laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon. Hinimok nila ang lahat na maging maingat, responsable at maunawain sa mga ibinabahagi online. Ayon sa pahayag, patuloy silang nananalig at umaasang igagalang ng publiko ang kanilang pamilya at ang buhay na patuloy na ipinaglalaban ni Ate Gay. Nauna nang sinabi ng pamilya na kritikal ang lagay ni Ate Gay, na ginagamot sa kanser. Nakasalalay rin umano siya sa life-support matapos makaranas ng septic shock, acute respiratory failure na kaugnay ng pulmonya, at stroke. Sa gitna ng mga pangyayaring ito, hiling ng pamilya na hintayin ang opisyal nilang mga pahayag sa halip na magpalagay o magpakalat ng balita.
Sursa ↗