Inka Magnaye, nagtungo sa ER matapos makakain ng pagkaing may mushroom

Inka Magnaye
Ibinahagi ng voice-over artist na si Inka Magnaye na kinailangan niyang magtungo sa emergency room matapos makakain ng pagkaing may mushroom—sangkap na tinanong niya nang dalawang beses kung kasama sa putahe dahil allergic siya rito. Ayon sa kaniyang post sa Facebook, tiniyak umano sa kaniya ng mga tauhan ng restaurant na walang mushroom ang inorder niya, at wala rin daw ito sa nakasaad na sangkap sa menu. Habang kumakain, nakaramdam umano si Inka ng pangangati sa labi at bahagyang pamamaga ng lalamunan. Uminom siya ng antihistamine at sinuri nang mabuti ang pagkain. Doon niya napansin ang tila pinong tinadtad na mushroom. Muli nilang tinanong ng mga kasama niya ang staff tungkol sa sangkap. Sa pagkakataong iyon, ayon kay Inka, humingi ng paumanhin ang mga tauhan at inaming may mushroom nga sa putahe. Sinabi rin niyang matagal silang naghintay sa bill kahit ilang ulit na nila itong hiningi. Ipinaalam niya sa staff na kailangan na niyang magpunta sa ospital, bago tuluyang mabayaran ang bill at umalis. Sa kaniyang pahayag, hinimok ni Inka ang mga restaurant na seryosohin ang mga tanong ng customer tungkol sa allergy. Aniya, dapat tiyakin nang mabuti ang impormasyon bago ito ibigay, lalo na kung may sangkap na maaaring magdulot ng reaksiyon. Iminungkahi rin niyang direktang magtanong ang staff sa mga taong naghahanda ng pagkain upang makumpirma ang mga sangkap. Aminado si Inka na hindi pangkaraniwan ang allergy niya kaya nakaugalian na niyang magtanong bago umorder. Umaasa siyang magiging tumpak at maaasahan ang sagot ng mga restaurant upang maiwasan ang katulad na insidente. Ayon sa kaniyang salaysay, matapos siyang makaranas ng mga sintomas ay nagpasya siyang magpa-check sa emergency room.
Sursa ↗